Balik Tanaw

I. Sa Dahon Ng Saging

Tuwing madaling araw, nagluluto si nanay ng pinilag. Ginadgad na laman ng kamoteng kahoy na nilagyan ng gata ng niyog at asukal at pagkatapos ay ibabalot sa dahon ng saging. Isasalansan sa malaking kaldero ni nanay, lalagyan ng sapat na tubig at pakukuluan hanggang sa ito’y maluto. Alam mong luto na ito kapag humahalimuyak na ang mabangong amoy ng nalalantang dahon ng saging at nalulutong kamoteng kahoy. Masarap itong kainin habang umiinom ng mainit na kape sa umaga. Hindi lamang ito para sa agahan namin, kundi para na rin sa paninda ni nanay na ilalagay niya sa basket at ilalako sa kabaryuhan.

Magpapasungkit tayo!… narinig ko sinasabi ni tatay sa nanay namin.  Ang ibigsabihin nito’y magpapa-ani kami ng bunga ng niyog. May maliit na pataniman ng niyog ang tatay namin. Namana niya ito sa yumao niyang mga magulang. Natuwa ako, pagkarinig ko kay tatay na magpapasungkit daw kami ng niyog. Ang ibig sabihin kasi nun, masarap na pagkain sa hapag kainan, maganda at bagong damit, tsinelas at kung anu-ano pa. Bata pa ako noon, kaya masaya na ako at pakiramdam ko mayaman na kami tuwing nagpapa-ani kami ng bunga ng niyog. Umuupa ang tatay ko ng magsusungkit ng niyog. Matatayog ang mga puno nito kung kaya naman hindi kakayanin kung aakyatin lamang ito. Kaya umuupa kami ng mga magsusunkit, gamit ang pinag-dugtong-dugtong na kawayan na may matalim na karit sa dulo. Karit ang tawag dun sa kalawit na nakakabit sa dulo ng kawayan, ‘yung parang kalawit ni kamatayan.

Medyo maluwang ang taniman ng niyog at sa ilalim ng matatayog na punong ito ay mayron tanim na mga puno ng saging si nanay at tatay. Tuwing nagpapasungkit kami ng niyog, nasisira din ang mga dahon ng saging. Pano’y nababagsakan ng mga buwig-buwig na bunga ng niyog na sinusingkit ng manunungkit. Sayang, dahil tuwing umuulan, ginagamit ko ang dahon ng saging pag inuutusan akong bumili sa tindahan. Malayo kasi ang bahay namin sa kabaryuhan. Noong bata ako, nag-iisa lang ang bahay namin sa gitna ng niyugan, walang kapit-bahay, walang kuryente, walang telebisyon. May radyo na pinapaandar ng dalawa hanggang apat na bateri ng eveready. Madalas, wala kaming payong. Kaya tuwing umuulan, malaki ang naiitulong ng dahon ng saging sa amin, kaya nakakadama ako ng panghihinayang sa tuwing mababgsakan ng bunga ng niyog ang mga dahon ng saging sa likod ng bahay namin. Nakakatawa nga, mayroon akong ninang na gumagawa ng payong pero wala akong payong kadalasan.

Malayo ang bayan sa amin, malayo ang tindahan, malayo ang bilihan ng papel, ng lapis o ballpen. Kaya sa dahon ng saging ko din unang natutunan isulat ang aking pangalan, gamit ang isang piraso ng pinutol at pinatulis na walis tingting.

Payak lang ang buhay…

II. Tsinelas

Pangarap ko noon, na makapagsuot ng magarang sapatos. Noong bata ako hindi uso sa  amin ang sapatos. Madalas nakikita kong naka-tsinelas lang ang mga bata. Kapag nakasapatos ka, ibig sabihin may importanteng pagtitipon sa pamilya ninyo or sa barangay. May handaan, o piyesta.  Pakiramdam ko noon, kapag naka-sapatos ako, maganda ako, mayaman na kami. Natatandaan kong, nagkaroon ako ng asul na chinese shoes. Hindi ko matandaan kung saan nanggaling o kung sinong nagbigay nito. Basta, ang alam ko sinuot ko ang sapatos na yun, noong naging kandidata ang nakatatanda kong kapatid (money contest po ito, hindi ito beauty pageant na magpapagandahan at magpapagalingan sa pag sagot ang mga kalahok). ‘Yung money contest na magpaparamihan kayo ng malilikom na pera at maghahati kayo ng Barangay,  40-60 or 60-40 ang hatian. Hindi po nanalo ang ate ko, First Princess lang po siya, medyo malaki-laking pera din ang naiambag niya sa bgry. Reserva. Isinali din ako ng nanay ko pero kulelat! Ilang araw pagkatapos ng parada, hindi ko na maalala kung anong nangyari sa kulay bughaw na chinese shoes.  Basta nagising na lang ako isang umaga, tsineles na naman ang sapin ko sa paa.

Excited ako, unang araw ng pagpasok ko sa mababang paaralang ng Brgy. Reserva. Suot ko ang kulay asul na paldang pinaglumaan ng nakatatanda kong kapatid at lumang puting t-shirt na may tatak na pabilog sa gitna, nakasulat ng pabilog ang “Mababang Paaralang ng Reserva” at sa gitna nito ay ilaw na may walong sinag at librong nakabukas at may dahon ng laurel sa magkabilang gilid  (Sa pagkakatanda ko lamang po ito). At tsinelas sa paa.  Mahirap ang buhay, hindi ako nagawang bilhan ng kahit isang bagong sapatos ng mga magulang ko. Sa buong unang taon ng pag-aaral ko, pumapasok ako na ang suot sa paa ay lumang tsineles. Kung sabagay, yung ibang kaeskuwela ko nga talagang walang sapin sa paa. Kung tutuusin maswerte pa nga ako, di ba?

Sinong makapagsasabi kung hanggang saan ka kayang dalhin ng tsinelas? Ang akala ko noon, ang paglalakbay ay mula lamang sa pintuan ng aming lumang bahay patungo sa paaralan siyang ugat ng aking mga kaalaman. Ito lamang pala ang unang hakbang.  Mahabang paglalakbay pa pala ang aking susuungin. Masalimuot ang daan, umaandap-andap ang ilaw sa bawat kalyeng daraanan.  Kailangan ng  matatag at matibay na tuhod para sa isang biyaheng walang kasiguruhan.  Tanas at pudpod na ang aking tsinelas pero parang hindi ko pa rin nararating ang dapat kong tunguhin. Tumigil muna ako pansumandali – pero parang hindi na ako makakahakbang ulit, nakakapagod na. Parang hanggang dito na lamang ang kaya ng powers ko.  Dito na nga kaya matatapos ang paglalakbay ko? Ito na nga ang dapat kong kalagyan?

Tumingin ako sa labas ng pintuan, hindi na luma at pudpod tsinelas ko, hindi na nag-iisa, pero parang hindi ko na sila masasakyan muli. Sa labas, malakas pa rin ang ulan. Sa loob ng bahay, may kaunting liwanag!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: